EDITOR'S NOTE

Pakiusap Sa Mga Nagmamaneho at Namamasada

Pakiusap Sa Mga Nagmamaneho at Namamasada image

Vince Pornelos / AutoIndustriya.com | November 28, 2016 14:20

Ang solusyon sa trapik ay sa atin manggagaling

Huwag na po tayo mag bulag-bulagan sa isang malaking katotohanan na ang daloy ng trapiko ay magiging mas matindi pa.

Kailangan po nating tanggapin ang katotohanang ito bilang bahagi na ng ating pang araw-araw na pamumuhay. Ang Pilipinas ay isang maliit na bansa lamang ngunit ang ating populasyon ay humigit-kumulang na sa 100 milyong katao. Ito ay halos 31% na ng populasyon ng Estados Unidos, ngunit ang sukat ng ating lupain ay 3% lamang ng kanila.

Ang sumunod pang isyu ay karamihan sa 100 milyon na Pilipino ay nagsisiksikan sa mga siyudad. Ayon sa WorldLibrary.org, pangunahin sa kanilang listahan ng pinakamasisikip na lungsod ang lungsod ng Maynila (#1). Ang masaklap pa nito ay kasama rin sa kanilang listahan ang mga sumusunod na lungsod sa Kalakhang Maynila: Pateros (#5), Mandaluyong (#6), Caloocan (#9), Navotas (#20), Pasig (#25), Pasay (#33), San Juan (#34), Makati (#38), at Quezon City (#49).

Nakakadagdag pa sa pagsisikip sa mga lungsod ang dumaraming bilang ng mga sasakyan tulad ng kotse at motorsiklo. Dahil maganda ang ekonomiya, inihayag ng CAMPI, ang lupon ng mga gumagawa ng mga sasakyan sa Pilipinas, na tinatayang 370,000 na mga bagong sasakyan ang maibebenta ng buong industriya ngayong 2016. Ibig sabihin, bawat araw ay may isang libong bagong sasakyan ang dumaragdag sa ating mga kalsada. Wala sanang isyu ang dagdag na bilang ng sasakyan kung malalawak at malalapad lang ang ating mga daan.

Road works 

Masarap pangarapin na sa nalalapit na hinaharap ay malulutas agad ang suliranin nating lahat sa daloy ng trapiko. Pero kung tayo ay magpapakatotoo, malabo iyon at suntok sa buwan ika nga. Alam natin na hindi ganun kabilis na proseso ang gumawa ng kalsada, magtayo ng highway, expressway, o kahit ng simpleng iskinita lamang. Dahil taon, hindi buwan, ang ginugugol para lang mabuo ang isang munting kalsada dito sa ating bansa, ang maaari lamang gawin ng ating pamahalaan sa ngayon ay ang sapilitang pagbawas sa bilang ng mga sasakyan ayon sa kanilang mga itinakdang oras at mga lansangan, o mas kilala natin sa tawag na number coding o UVVRP.

Hindi mahirap makita na lalo pang magiging malala ang ating problema sa trapiko. Pero kung ating iisipin ay kaya naman itong bigyan ng kalutasan na maaaring mag umpisa sa ating mga sarili. Ngunit kinakailangan nito ng tiis, pasensiya, pag-unawa, at pagsisikap upang maging mas maayos ang ating paggamit ng mga lansangan sa araw-araw.

Una, dapat na nating lubayan ang ugaling pagsalungat sa daloy ng kalsada o iyong tinatawag na counterflow. Iyon ay lubhang hindi nakakatulong, bagkus ay mapanganib pa. Nauna nga po kayo sa iba pero sana ang kapakanan rin ng iba ang ating isipin, at hindi puro pansarili lamang. Ika nga sa tren: huwag nyo po salubungin ang nasa kabilang dako ng lansangan; hindi ninyo sila kamag-anak.

Magbigayan para sa tuloy tuloy na daloy

Ang paghinto sa loob ng intersection box (dilaw na kahon na may hugis X sa loob) ay hindi rin magandang ugali. Wala na kasing ibang makakadaloy sa magkabilang panig ng sangandaan kapag tayo ay nahinto doon. Bilang paghahambing, gaya ng palagiang sinasabi ng doktor sa ating mga ugat na barado ng cholesterol: kapag barado ang isa, barado na ang lahat.

Kailangan din po natin alamin kung ano ang ibig sabihin ng mga iba’t ibang mga larawang o tandang nagtatakda ng ating asal sa lansangan. Hindi lahat ng nabigyan ng lisensya at nagmamaneho ngayon ay nagkaroon ng pagkakataon na makapag aral ng pormal sa pagmamaneho, o pumasok ng driving school kaya hindi lahat ay nakakakilala ng traffic signs. Iyon po ang masakit na katotohanan. Bilang isang mabuting mamamayan na sumusunod sa batas, kinakailangan po nating unawain ang mga nakasaad sa mga tanda tulad ng bawal lumusot (overtake), na isinasaad ng dalawang dilaw na linya na magkatabi sa gitna ng daan; ang magmenor o magbigay daan sa mga sasakyang nasa lansangan na (Yield to Right of Way), at ang tawiran ng tao o pedestrian na madalas maharangan ng karamihan ng mga motorista, sadya man o hindi.

Para sa mga nagmamaneho ng pampublikong sasakyan gaya ng jeepney, bus, traysikel, UV Express, at iba pa, hangga’t maaari ay tigilan na natin ang pagtigil at pagsakay sa kung saan-saan. Karamihan sa ating mga daan ay tig-dalawang linya lang sa bawat direksyon. Sa bawat paghinto mo upang magsakay, magbaba, o maghintay ng pasahero, lahat ng nasa likuran mo ay napipilitang maghintay at samakatuwid ay nababarahan mo na ang daan. At para naman po sa mga pasahero ay mangyari lamang po na tayo ay sumakay at bumaba sa mga itinakdang babaan at sasakyan, para na rin sa inyong kaligtasan.

Wastong pag para ng Jeep

Maaaring ang dating ng mensahe na ito sa ating mga kapwa motoristang namamasada ay salungat ito sa kanilang paghahanapbuhay. Hindi po. Kailangan po nating isaisip na lahat tayo ay nagdudusa sa mabigat na daloy ng trapiko. Walang pinipili at itinatangi ito, anuman ang iyong katayuan sa buhay. Lahat tayo ay nababawasan ang oras na makapiling ang ating mga mahal sa buhay, kasama na rin dito ang pagiging palagiang huli sa itinakdang oras ng trabaho. At ngayon papalapit na naman ang Kapaskuhan, inaasahan na naman na mas magiging mabigat pa ang daloy ng trapiko.

Hangga’t maaari ay iwasan na rin nating magreklamo sa social media. Opo, maaaring nakakatulong paminsan minsan ang inyong pagpuna sa kamalian ng ibang motorista, ngunit ang katotohanan ay limitado lamang ang nagagawa noon dahil hindi ito naaabot ang karamihan ng ating mga kababayan na walang kakayahan o panahong magbukas ng Facebook, Twitter, atbp. Ito rin ang dahilan kung bakit nasa wikang Filipino ang talatang ito, upang ito ay madaling ipasa, ipabasa, at ipaunawa sa nalalabing bilang ng mga tsuper mapa pribado man o publiko.

Ika nga ng ating Pangulo: Change o Pagbabago. Marami tayong maaaring sabihin sa kasalukuyang pagkakawatak-watak natin sa larangang pulitikal. Ganun pa man, sino man ang nakaupo ngayon sa Malacanang, ito ang takdang oras ng pagbabago lalo na sa ating asal sa lansangan at pagrespeto sa lahat ng batas lalong-lalo na ang batas-trapiko.